Bago nauso ang Netflix, ang iba pang mga streaming apps, at ang “skip intro”, tayong mga Pinoy ay nanonood ng mga pelikula sa pamamagitan ng ilang tradisyonal na paraan — ang ilan dito ay naging malaking bahagi ng ating kultura. Mula sa kataas-taasan, kasuluk-sulukan, kadilim-dilimang bahagi ng sinehan, pag-arkila ng betamax, at pagbili ng piratang DVD, we found ways para mag-enjoy at maglibang habang ninanamnam ang bawat eksena ng isang pelikula.
Narito ang pasilip kung paano nag-evolved ang panonood natin ng pelikula bago tayo sakupin ng mga movie streaming platforms. Tara at mag-rewind tayo ng kaunti.
"Kung gusto mo ay manood ka na lang ng sine. 'Di Ba Huwebes ngayon baka may bago ng palabas."
(mula sa kantang “Torpedo” ng Eraserheads)

Once upon a time, kapag may nag-aya sa iyo manood ng pelikula, ang ibig pa sabihin noon eh pupunta at pipila kayo sa isang sinehan, at hindi magbubukas ng app sa iyong phone, computer o TV. Ang panonood sa mga sinehan (cinema, movie theater) ang isa sa pangunahing paraan upang manood ng mga pelikula mula pa noong 1950s.
May mga sinehan sa mga malls, sa mga liwasang-bayan (town plaza), at meron ding mga stand-alone na sinehan sa mga probinsiya. May mga air-conditioned theaters, may ilan na may electric fan na mas maingay pa kaysa sa mismong pelikula, at meron din namang bring your own pamaypay. Mayroon ding mga sinehan na nagpapalabas ng “double (at triple) feature” na ibig sabihin ay dalawa (o tatlo) na pelikula ang mapapanood mo sa presyo ng isang ticket lamang. Ito sa tingin ko ang sinaunang movie marathon.
Isa sa ala-alang hanggang ngayon ay hindi ko nalilimutan eh noong ako’y gusgusing paslit pa lamang, isinama ako ng mga magulang ko para manood ng “Rocky IV” sa sinehan. Punung-puno ang sinehan noon. Marami na ang nakatayo kabilang kaming pamilya, sa balcony. Bago mag-umpisa ang pelikula, ipinapakita muna ang mga trailers ng mga coming soon na mga movies. Nainip na siguro ang mga nanonood noon kaya nagsigawan na ng, “Rocky! Rocky! Rocky!” in unison, kaya napilitan na silang tapusing ang mga commercials at isinalang na agad ang Rocky IV. Sabay palakpakan at hiyawan. At doon mismo sa boxing match ni Rocky Balboa at Ivan Drago, nagchi-cheer talaga ang mga tao kay Rocky.
Uso pa din naman ang panonood ng sine ngayon, pero hindi na katulad ng dati. Ayon sa isang study, 21% na lang ng mga respondents sa isang survey ang nanonood sa sinehan. Ayon din sa ilang media stories, ang mga socio-economic classes (D & E) at ilang bahagi ng class C ay bihira na manood ng sine — dahil mahal na ang presyo ng ticket at may ibang option na sila, which is ‘yung streaming nga. Ang cinema experience ay nagiging selective na lang — kapag may “event” films tulad ng mga MCU films, major releases na sobrang sikat ang mga bida at malaki ang budget ng pelikula, or may special formats (IMAX, 4D).
Television

Kung hindi ka naman makapunta sa sinehan dahil wala kang pera, eh manood ka na lang ng pelikula sa television. Simula noong 1970s, ang mga free TV channels (tulad ng RPN, IBC, ABS-CBN, GMA) ay nag-umpisa na ding magpalabas ng mga local at foreign na pelikula.
Ang maliit na issue nga lamang eh ang mga pelikulang ipinapalabas sa free TV ay kadalasang edited na dahil sa censorship o kapag sobrang haba ng running time. Kadalasang pinuputol ang mga bad words, at mga eksenang medyo mahahalay o kaya ay sobrang bayolente. Gayunpaman, part ng charm nito ay nagtitipon-tipon ang buong pamilya (at occasional kapitbahay) at naghahanap ng magandang puwesto sa harap ng television. Sama-sama silang tatawa, iiyak at mapapasigaw sa bawat eksena.
Naalala ko pa ang FPJ sa GMA, GMA’s Best, Piling-Piling Pelikula, Pinoy Blockbusters, Saturday Night Blockbuster, SNBO: Sunday Night Box Office, Sunday’s Big Event at marami pang iba. Sa TV ko din napanood ang karamihan sa pelikula ni Ramon Revilla na tungkol sa mga anting-anting. Sabi ng papa ko noon na kaya niyang ikuwento sa akin ang lahat ng pelikula ni Ramon Revilla. “Magsisimula sa bata pa lang siya, magkakaroon siya ng agimat o anting-anting, at mamamatay siya sa dulo.” Sabay lipat niya ng channel para manood ng foreign film o ng boxing.
Hanggang ngayon naman ay mayroon pa ding mga pelikula ang mapapanood mo sa free tv channels. Minsan nga, naka-dubbed na sa tagalog ang mga foreign films na ipinapalabas.
"Wala pa nung CD o DVD, ang meron lang Betamax"
(mula sa kantang “Betamax” ng Sandwich)

Noong 1980s hanggang 1990s, nauso ang mga arkilahan ng betamax o VHS. So kadalasan, umaarkila ng pelikula ang mga pamilya para mapanood ng sama-sama during weekend.
Nauna ang betamax kaysa VHS. Ang betamax ay mas maliit at mas maganda ang picture quality pero mas maikli ang recording time kaya madalas ay dalawang bala ng betamax para sa isang pelikula. Ang VHS ay mas malaki at mas mahaba ang recording time.
Kailangan may rewinder ka sa bahay dahil kailangang naka-rewind na sa umpisa ang bala bago mo ito isauli sa arkilahan para walang penalty. May rewind feature naman ang mga betamax/VHS players pero iniiwasan gamitin dahil nakakasira daw ito ng player.
Hindi kami nagkaroon ng betamax o VHS. Kaya ko i-group sa tatlong alaala ang experience ko sa betamax at VHS. Una, noong elementary ako, umaarkila kami ng bala ng recording ng WWF o World Wrestling Federation (WWE na ngayon) main events tulad ng Wrestlemania, Summer Slam, Survivor Series at Royal Rumble. Pangalawa, noong high school, umaarkila kami ng porn para manood (with occasional drinking session) bago kami pumasok sa school. At pangatlo, noong college, sa bahay ng isa naming kaklase, umaarkila siya ng mga bagong pelikula na pinapanood namin habang nakatambay or gumagawa ng group projects.
VCD at DVD

Noong late-90s sumikat ang VCD at around 2000s naman naging popular ang DVD.
Mas maliit ang capacity (650-700MB) at mas mababa ang video quality (240p, 288p) ng VCD kumpara sa DVD na malaki ang capacity (4.7GB) at resolution (480p, 576p). Usually ay dalawang VCD ang isang pelikula habang ang DVD ay may menu pa at additional features na kasama (behind the scenes, interviews, deleted scenes).
Nauso din ang mga VCD/DVD players na may karaoke combo pa. May kasamang mic at disc ng mga karaoke songs. Meron ding DVD player na may built-in emulator ng game console. May kasamang controller at disc ng mga classic video games.
Sa pagsikat ng VCD at DVD, naging laganap din ang piracy ng mga pelikula na higit na mas mura kaysa sa original. Kaya kahit kakapalabas pa lang sa sinehan, kinabukasan makakabili ka na ng kopya nito. Pero dahil kuha nga sa sinehan, madalas malabo ang kopya, sabog ang audio, tagilid o putol ang screen, may mga tumatayo, at dinig ang tawanan at ingay ng mga nanonood.
Around early to mid-2000s, sa City Hall na malapit sa aming bahay, mayroong Video City at doon ako umaarkila ng VCD every Friday pagkagaling ko sa trabaho. Kapag sahod naman, nagkakaayaan kami ng mga kaibigan ko sa opisina na pumunta ng Quiapo para bumili ng pirated VCD at DVD. FYI, bumibili din ako ng orig ah. Kapag sale.
Cable at Satellite TV

Mga mid-90s noong nauso naman ang cable at satellite TV kung saan maraming channels ang puwede mo panooran ng pelikula tulad ng HBO, Cinemax, Star Movies, Cinema One at marami pang iba.
24-hour movie access kapag naka-cable ka kaya kahit anong oras ka manood, may aabutan kang pelikula. At ang isang kagandahan nito kumpara sa mga pelikula sa free tv channels? Walang commercials!!! Pero sa pagkakatanda ko, may kaunting censorship din ang mga pelikulang ipinapalabas dito.
Kung ngayon ay uso ang sharing ng accounts sa streaming services, noon uso naman ang cable splitter na patagong ikinakabit para makapag share kayo ng kapitbahay mo sa cable at may kahati ka na din sa bayad.
Naalala ko pa noon na may binibili pa akong magazine na may listahan ng mga ipapalabas sa cable for the whole month. Minamarkahan ko ang mga pelikulang gusto kong panoodin. Sa cable kasi, hindi ka pwede mag-rewind. Kapag na-miss mo ang umpisa ng pelikula, wala ka ng magagawa kung hindi abangan na lang kung kailan ulit ito ipapalabas.
Medyo hindi na ako sure sa memory ko na ito pero noong college ako, ang Wowow channel na sikat dahil kadalasang uncut ang mga pelikula na ipinapalabas nila, ay nagkaroon ng 3-day non-stop na pag-televise ng Woodstock ’99.
Currently, naka-subscribe ako sa Cignal TV. Mas sanay pa kasi ang parents ko na naglilipat ng channel para maghanap ng pelikula kaysa mag-browse at mag-search sa Netflix. At para na din sa Eat Bulaga at Batang Quiapo.
School at Community Screenings

Ang ilang paaralan o barangay ay nag-o-organisa ng mga pagpapalabas ng pelikula gamit ang mga projector — kadalasan ay mga pelikulang pang-edukasyon o mga pumatok na pelikulang pampamilya.
Sa mga paaralan, kadalasan sa puting pader o sa white board nagpo-project ng pelikula. Noong kapanahunan ko, elementary days (late-80s), siksikan kaming mga estudyante sa pinag-combine na dalawang classroom. Sarado ang lahat ng bintana. May tabing na illustration boards ang mga sirang bintana. Nakasalampak lahat sa sahig. Bawal ang noisy at standing. Lahat ‘yan naaalala ko pa, maliban sa pinanood naming pelikula. Naikuwento sa akin ng anak ko na meron din silang film showing noong nasa elementary at high school pa siya.
Kapag fiesta ng bayan, karaniwan din dati ang mga open-air screening, na may malaking puting tela bilang screen at mga bangko para sa mga manonood. Noong bata pa ako, na-experience ko ito. Ang ipinalabas ay isang lumang pelikula tungkol kay Jesus. Ang natandaan ko nalang ay may eksena na naglalakad si Jesus at muntik siyang matapilok. Hindi ko makalimutan dahil nagtawanan kami ng mga kapitbahay at kalaro ko na nanonood. Pagkatapos naming magtawanan, naging malamok ang gabi na iyon.
Film Festivals at Special Events

Special mention ko na din kahit na kabilang din ito sa panonood sa sinehan pero mayroon tayong Metro Manila Film Festival (MMFF) kada taon na naghihikayat sa mga tao na pumunta sa mga sinehan para suportahan ang mga lokal na pelikula. Kaya tuwing Pasko, pahinga muna ang mga foreign films at puro pelikulang pinoy na kalahok sa festival ang ipapalabas sa mga sinehan.
Bukod pa diyan, may mga university film clubs at maging ang Cultural Center of the Philippines (CCP) ay nagpapalabas din minsan ng mga art at indie films.
And then came Streaming...

Ngayon, maaari na tayong manood ng kahit ano, kahit saan — mag-isa o may ka-chill, sa katahimikan ng iyong kuwarto o habang nasa biyahe, may subtitle man o wala. Pero minsan, nakaka-miss pa din ang good old days: ang mahabang pila sa sinehan, ang hagalpakan at palakpakan ng mga katabi mo sa sine, ang tunog ng pag-rewind ng isang bala ng betamax, ang pag-ihip at pagpunas sa ayaw gumanang DVD.
Ayon sa isang report noong 2024, 97.2% ng mga Pinoy sa edad na 16-64 ay nanonood ng online video every week. At sa isang 2024 survey naman, 66.5% nga mga Pinoy sa edad na 10-64 ay naka-experience na manood via streaming platforms. At ngayong taon (2025), ayon sa isang report ay 67.1% ng mga Pinoy ay nagbabayad ng digital content (streaming services/subscription) monthly. Ang ibig lang sabihin niyan eh, maraming Pinoy ang nagsasabing naghihirap sila, at hindi sapat ang kanilang sinasahod — pero napanood nila ang K-Pop Demon Hunters 😁✌️
Noon, ang panonood ng pelikula ay hindi lang basta simpleng panonood. Madalas ito ay isang pinagsaluhang sandali — isang kaganapan sa komunidad, isang tradisyon ng pamilya, isang bonding ng mga magkakabarkada — isang bahagi ng buhay ng Pinoy na nag-ugnay sa atin bago pa tayo naging alipin ng internet at streaming services.




