Fun Facts

Mahilig ako sa kape. Hindi ako mahilig magtimpla.

Death Note lang ang nag-iisang anime na napanood ko ang lahat ng mga episodes.

Para sa mga personality junkies diyan, ako ay INFJ-T.

Isang summer, nangarap akong maging isang dancer.

Naging sakristan noong ako ay nasa 3rd at 4th year high school.

Sa loob ng sampung magkakasunod na taon, nilakad ko mula Monumento hanggang Our Lady of Lourdes Grotto Shrine in San Jose Del Monte, Bulacan, bilang panata tuwing Semana Santa.

Minsang nahalal na Engineering Department Councilor (Human Rights Committee) noong ako ay nasa college.

Nag-umpisa ang aking blogging journey noong 2005 nang sinubukan ko kalikutin ang Blogger at WordPress.

Bumili ng gitara dahil sa isang dare na kaya ko matutunan tugtugin ang intro ng Sweet Child O’ Mine sa loob ng isang linggo. Achievement unlocked.

Sumali ako sa Campus Break, isang youth program sa IBC-13. Meron silang game segment kung saan paunahan kayo ng katunggali mo na sumagot sa tanong. Kung tama ang sagot mo, kailangan mo din itong i-spell. Ang mga hosts nito ay sina Danny Javier at Jackie Aquino. Natalo ako.

Takot magsuot ng wristwatch simula noong first year high school ako.

Bumili ako ng cassette tape ng self-titled album ng Yano at Buruguduystunstugudunstuy ng Parokya Ni Edgar bago pa sila sumikat.

May hikaw sa dila sa loob ng 20 taon.

Naglabas ako ng fanzine noon na may titulong ‘Monthly.’ – yes, as in ‘monthly period.’

Ang aking go-to karaoke song ay ‘Don’t Cry Joni‘ at minsan akong naka-perfect 100 na score sa awiting ‘Is It Okay If I Call You Mine‘ ni Paul McCrane.

Minsang na-recruit para maging gitarista ng isang banda para sa isang alumni homecoming kahit hindi ako alumnus. Pinatayan kami ng mga organizers ng sound system bago pa matapos ang aming unang kanta.

Naranasan mag cutting classes ng maraming beses noong ako ay nasa high school.

Isa akong frontliner sa aking unang kumpanyang pinasukan (part-time job) bago pa mauso ang ‘call center agent.’

Ang aking unang chilhood crush: Pink 5 ng Bioman.

2001. Nakapag-ipon ako para bumili ng aking unang mobile phone: isang Nokia 3310. Nagkakahalaga pa ito noon ng 13,000 pesos. Original. Grey. Made in Finland.

Hindi marunong mag-bike.

Madalas hikain simula noong ako ay bata pa. Nawala lang noong natuto akong manigarilyo.

Ang aking unang date ay sa isang bagong bukas na Jollibee. 10 pesos lang ang Yumburger noon.

Nawalan ng hand trowel sa isang gardening class.

Hindi marunong lumangoy.

Isang four-consecutive-week champion sa spelling contest ng isang radio station. Natigil lamang ang winning streak nang magkaroon ng coup d’état noong December 1989. Spell pinagkakapitapitagan.

Nasuspindi ng five days without pay sa aking ikalawang kumpanya na pinasukan.

Tumigil maglaro ng basketball nang makasagap ng tsismis na babagal at titigas ang iyong kamay na makakasira sa pagtugtog ng gitara. Spoiler alert: Hindi pa din ako gumaling mag-gitara.

Walang sense of direction at hindi matandain sa mga lugar.

Sa sobrang tanda ko na, napanood ko ang unang episode ng original na ‘Batibot‘.

Naging lifelong wrestling fan simula nang mapanood ko ang isang WWF episode kung saan ni-headbutt ni Andre the Giant si Hacksaw Jim Duggan.

Naging 3rd place sa isang nationwide On-the-Spot Drawing Contest tungkol sa leprosy awareness noong ako ay Grade 6. Halos 200 contestants all over the Philippines ang sumali dito.

Kayang tapusin ang Super Mario Bros. sa Family Computer sa loob ng 10 minuto.

Nagbalumbon ng mga medyas para gawing bola para maglaro ng basketball sa nakasabit na ring sa pader. NOTE: Sa bawat imaginary game na ako din ang announcer, palaging nananalo ang Ginebra kahit ang kalaban pa nila ay Los Angeles Lakers.

Muntik malunod nang mahulog sa lampas-tao na baha nang magpunta sa PRC habang bumabagyo para malaman ang room assignment para sa licensure exam. Akala ko katapusan ko na.

Minsan naging may-ari ng isang duffel bag na puno teks, isang galon ng laruan na letters, at dalawang plastic bags ng tansan. Kasama din sa collection ko ang isang sports bag at tatlong garapon na tau-tauhan, maraming goma, holen, at sisidlan ng sigarilyo.

Ang aking unang unofficial coding project sa pangalawang kumpanya na aking pinasukan ay FLAMES 1 calculator.

Ang aking unang side hustle: nag-assemble at nag-dikit ng photo envelopes (lalagyan ng mga bagong developed na litrato). Kumita ako noon ng 5-sentimo sa bawat envelope.

Una kong narinig ang ‘Pare Ko‘ na pinapatugtog sa bahay ng ate ng kaklase ko nung high school. At simula noon, naging lifelong fan na ako ng Eraserheads.

Naging expert sa pag toss coin ng 25-sentimo kaya nakakalibre minsan sa nilalakong kakanin.

  1. Friends, Lovers, Anger, Married, Engaged, or Soulmates.