Bago pa tayo takutin nila Pennywise, Freddy Krueger, Jason Voorhees, Babadook, Valak, Sadako at marami pang iba, tayong mga Pinoy ay meron ding sariling cinematic universe ng mga nakakatakot na nilalang. Pero hindi lang para sa katatakutan ang mga scary creatures natin na ito. Sila ay naging bahagi din ng mga alamat, tradisyon, kultura at kuwento ng ating kasaysayan. Noong unang panahon, kapag may mga tanong na hindi pa kayang sagutin ng ating mga ninuno, ang mga nilalang na ito ang minsang nagiging kasagutan. Nagsilbi din silang babala para tayo ay kumilos nang tama. At sila din ay naging paalala na kailangan nating respetuhin ang ating inang kalikasan.
Ang mga istorya nila ay nagpasalin-salin mula noong hindi pa tayo dinadalaw ng mga banyaga hanggang sa ito’y maging true-to-life stories na ng ating mga lolo at lola kapag trip nilang maihi tayo sa banig, o hindi tayo makatulog sa gabi sa sobrang takot. Narito ang ilan sa mga pinoy mythical creatures na minsang nagpakaba sa ating mga tahimik na gabi. Awooooo! (Nandiyan na siya…)
TIKBALANG

Ang tikbalang ay tradisyunal nang napag-uusapan bago pa tayo pasyalan ng mga banyaga. Tigbalang o tigbalaang pa ang tawag dati at kilala sila bilang “phantom of the mountains / wilds” o multo ng kabundukan at masukal na kagubatan.
Ang mga tikbalang ay karaniwang inilalarawan na matangkad, kawangis-tao (humanoid), mahaba ang mga biyas, ang mga paa ay nakaturo patalikod, kumikinang ang mga mata, at karaniwang tumatambay sa mga kagubatan at ilog. Sa first version ng tikbalang, hindi pa sila dini-describe na may ulo ng kabayo dahil hindi pa naman nakakakita ng kabayo ang mga ninuno natin noon. Nung bumisita na ang mga Spaniards, at nagdala sila ng mga kabayo, doon lang nag-umpisa na maging katangian na ng tikbalang ang pagkakaroon ng ulo ng kabayo (version 2.0).
Itinuturing ang mga tikbalang na OG pranksters dahil trip nilang lituhin at iligaw ang mga naglalakbay na napadaan sa kanilang teritoryo ng kagubatan. Kailangan mo daw humingi ng permiso o magpaalam na makikidaan ka lamang para ikaw ay kanilang tigilan. Dito din nauso ang ipinagbabawal na technique na baligtarin mo ang iyong suot na damit kapag ikaw ay naliligaw para malito din ang tikbalang at hindi ka na niya makilala.
Ayon sa ilang mga lokal na alamat, maaari mong paamuin ang isang tikbalang sa pamamagitan ng pagkuha ng isa sa mga ginintuang buhok nito at gawin mong anting-anting.
Ang tikbalang ang naging kasagutan ng mga ninuno natin noon kapag sila ay naglalakad at naglalakbay at bigla silang naligaw ng landas, o nakarinig sila ng kakaibang ingay, o nakakita sila ng hugis ng anino na bago sa kanilang paningin. Pinatibay din ng tikbalang ang paggalang sa kalikasan (at sa mga hindi nakikita) — huwag gumala nang walang pag-iingat at magbigay respeto sa iyong nilalakbayan.
FUN FACT
Kapag nakita mong umaaraw naman pero umuulan din at the same time, meron daw ikinakasal na tikbalang.
KAPRE

Ang kapre ay nagmula sa Tagalog/Visayan folklore bilang higante o espiritu na sinasabing naninirahan sa malalaking puno sa kanayunan o kagubatan.
Inilalarawan ang kapre na matangkad o higante (7-9 feet o higit pa), mabalahibo, maitim ang balat, malakas, madalas na nakaupo sa malalaking puno, naninigarilyo ng malaking tabako o tubo, malakas ang amoy sa katawan, at minsan meron daw invisibility power.
Katulad ng tikbalang, isa din silang primary suspect sa mga nalilito at naliligaw na mga manlalakbay, lalo na kapag ang puno na kanilang tinitirhan ay pinutol o nagambala. May mga kumakalat din na balita na sila ay nagmamay-ari ng isang mahiwagang bato na nagbibigay ng katuparan sa mga kahilingan. Sa ibang salaysay sila daw ay friendly kung irerespeto mo, pero mapaghiganti kung hindi mo igagalang. Marami ding kuwento ang nagsasabi na mabilis ma-fall o mainlab ang mga kapre sa tao. Kapag ang isang dalaga, na ang kuwarto ay may malaking bintana na nakaharap sa isang malaking puno, ay nakaramdam na parang may nakatingin palagi sa kanya, malamang kapre ‘yun.
Ang mga malalaking puno sa kanayunan ng Pilipinas ay may aura ng misteryo — kumakaluskos na mga dahon, mga pabago-bagong lokasyon ng liwanag at anino dahil sa paggalaw ng mga dahon at sanga, na nagdudulot din ng kakaibang ingay. At para maipaliwanag ang mga misteryo na ito, diyan papasok ang kapre. At tulad ng tikbalang, nagsisilbi din ang kapre na babala na respetuhin ang kalikasan at iwasang gumala kapag gabi na, lalo na sa ilalim ng mga malalaking puno.
MANANANGGAL

Ang pangalang manananggal ay nagmula sa tagalog na tanggal (“to remove/separate”), literal na nangangahulugang “one who separates itself.” Malakas ang mito (myth) nito sa Visayan region (Capiz, Iloilo, Antique) bagama’t may mga sariling version din ang ibang lugar.
Ang manananggal ay isang pangkaraniwang babae na pagsapit ng gabi, ay nahahati ang katawan mula sa kanyang beywang. Humihiwalay ang kanyang itaas na bahagi at nagkakaroon ito ng pakpak na parang paniki. Ito ay lumilipad at maghahanap ng mabibiktima (madalas na mga buntis, kakapanganak, o mga natutulog). Ang kaniyang dila ay humahaba na mala-sungót (proboscis‐like) na ginagamit niya sa pagsipsip ng dugo o ng batang nasa sinapupunan pa lamang. Ang ibabang bahagi ng kanyang katawan ay nananatili sa lupa at ito ang kanyang kahinaan. Kapag daw ang ibabang bahagi ay nilagyan ng asin, bawang, abo o suka ay hindi na siya muling makakabalik dito at mamamatay na siya pagsapit ng madaling araw.
Sa mga komunidad sa kanayunan, ang mga isyu sa kalusugan ng ina, pagkamatay ng mga sanggol at ang takot sa mga hindi pa maipaliwanag na pangyayari tuwing gabi ang naging dahilan para sa mito ng manananggal. Ang manananggal ang nagsilbi bilang isang supernatural na paliwanag para sa mga pagkalaglag ng sanggol, pagkamatay habang nanganganak, o biglaang mga problema ng isang sanggol. Ang manananggal ay naging paalala para mag-ingat sa gabi (lalo na para sa mga buntis) at naghikayat ng mga kasanayan sa proteksyon (bawang, asin, pagbabantay) na nauugnay sa katutubong pagpapagaling.
TIYANAK

Ang salitang “tiyanak” ay nagmula sa “tiyan” (tiyan) + “anak” (bata), at tumutukoy sa espiritu ng isang bata na namatay bago binyagan o hindi nabigyan ng pangalan. Sa ibang version naman, ang mga bata ay nagiging tiyanak kapag ang kanilang ina ay namatay sa panganganak.
Ang modus operandi ng mga tiyanak ay nagpapakita sila bilang isang cute na sanggol na umiiyak sa kagubatan o sa parang, nanghihikayat ng isang tao na kunin sila, pagkatapos ay magta-transform sa kanyang napakalaking anyo na may matatalas na ngipin at kuko at biglaang aatake. Sa ibang rehiyon, inilarawan din sila bilang maliliit, kulay-kape na nilalang na may hindi magkapantay na binti. Ayon sa alamat, dahil nga ang bata ay namatay na hindi nabinyagan o hindi pinangalanan, ang espiritu nito ay gumagala at naghahanap ng isang tao na bibigyan ito ng pangalan, o kaya naman ay naghahanap ito ng mapaghihigantihan.
May version na nagsasabi na para matalo mo ang isang tiyanak ay ihagis mo ito sa iyong likuran at umalis ka na hindi mo ito tinitignan.
Mataas ang dami ng namamatay na mga bata noong unang panahon, at maraming pagkamatay ng mga sanggol ang nangyari nang walang malinaw na dahilan. Ang tiyanak ay nagbigay ng supernatural na salaysay para sa mga trahedyang iyon. Ang mito ay nagsilbi ding babala: huwag kunin ang umiiyak na sanggol sa kagubatan, huwag gumala nang mag-isa, at igalang ang mga espiritu sa iyong kapaligiran.
ASWANG

Ang “Aswang” ay isang malawak na termino na sumasaklaw sa alamat ng mga nilalang na nagbabagong-anyo. 16th century pa lang ay may mga nasusulat na tungkol sa aswang ayon sa records ng mga colonial Spanish.
Ang pagsasalarawan sa aswang ay paiba-iba depende sa rehiyon. Isa sa common na anyo ng aswang ay babae sa umaga, na nagiging halimaw sa gabi (aso, baboy, ibon, paniki) na kumakain ng laman ng tao, ng bangkay, sanggol, buntis, atbp. Ang aswang ay kinatatakutan at pinaniniwalaang lumalakad sa gitna ng mga tao nang hindi napapansin. Kabilang sa mga pamamaraan para maiwasan ito ay paglalagay ng bawang, asin, suka, at mga religious protections sa mga pintuan, bintana at iba pang lugar sa bahay na puwedeng pasukan ng aswang.
Ayon sa mga anthropologists, kadalasang ginagawa noon sa kanayunan na akusahang aswang ang isang kapitbahay kapag hindi nila ito trip.
Ang mga aswang ang nagsisilbing paliwanag sa mga biglaang pagkamatay, kakaibang sakit, hindi maipaliwanag na pagkawala, pagkalaglag, o maging sa mga katanungan ng mga tsismosang kapitbahay. Sa mga lipunan kung saan kakaunti ang gamot, ang pag-uugnay ng kasawian sa isang aswang ay nakakatulong sa pagbibigay kahulugan sa kaguluhan. At dahil nga ang aswang ay posibleng isa sa iyong mga kapitbahay na kasalamuha mo sa araw-araw, naging hakbang din sila para sa higit na pag-iingat at pagbabantay dahil hindi mo alam kung sino ang iyong pagkakatiwalaan.
FUN FACT
May Aswang Festival event noon sa Roxas City, Capiz na celebration ng alamat ng aswang ngunit pinatigil ito ng simbahang Katoliko.
NUNO sa PUNSO

Mula sa mga Tagalog/Visayan animist beliefs: “nuno” = lolo’t lola o ninuno, “punso” = burol ng anay o langgam. Matagal nang paniniwala na may mga espiritu ng kalikasan na naninirahan sa mundo, at isa na nga dito ang mga nuno sa punso.
Inilalarawan ang nuno bilang isang maliit na matandang lalaki na katulad ng duwende, na naninirahan sa loob ng isang punso. Kung nagambala ang punso, halimbawa ay sinipa, nawasak, o natapakan, maaring magalit ang nuno at isumpa ang salarin: mamamaga ang paa, biglaang lalagnatin o magkakasakit, o kapag minalas eh wawakasan ang kanilang buhay. Kailangan mo magsabi ng “Tabi-tabi po (excuse me)” kapag may madadaanan kang punso para maiwasang magalit ang nuno na nakatira dito.
Ang mga sakit tulad ng namamagang bukol at biglaang lagnat ay sinisisi din dati sa mga nuno. At madalas ay kailangang tumawag ka ng albularyo (folk healer) para sila ang humingi ng tawad sa nuno sa punso sa pamamagitan ng mga ritwal at pag-aalay.
Ang paniniwala sa nuno sa punso ay makabuluhan bilang babala na may kaugnayan sa paggalang sa kalikasan at sa lupain. Sa mga komunidad noon sa isang nayon, kapag natapakan mo ang isang punso, malaki talaga ang chance na makagat ka ng mga insektong naninirahan dito, na puwedeng magdulot ng pamamaga o ng sakit — kaya’t ang pag-uugnay sa kanila sa isang sumpa mula sa nuno o espiritu ng kalikasan ay nagpatibay o naghihikayat upang maging maingat at magkaroon ng magalang na pag-uugali.
FUN FACT
Noong ako ay bata pa, habang naglalaro sa labas ng bahay, aksidente ko natapakan ang isang punso. Namaga ang aking paa… sa dami ng hantik mula sa punso na kumagat sa akin. Dahil walang witness at wala akong evidence na hantik ang may sala, sinabi ng lola ko na baka ako ay na-nuno at kailangan ko daw mag-sorry sa punso na aking natapakan.
WHITE LADY

Ang isang ito ay medyo modern urban legend na at hindi isang sinaunang alamat. Ang kuwento tungkol sa white lady ay laganap sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, pero ang isa sa sikat na version nito ay sa kahabaan ng Balete Drive sa Quezon City, na naging maugong noong 1950-1970s base sa mga kuwento ng mga taxi drivers na madalas makakita dito.
Karaniwang istorya ay isang maputlang babae na naka-puting damit na lumilitaw sa kalsada, sa salamin ng kotse, o sa loob mismo ng kotse, madalas tuwing hatinggabi. Minsan ito ay nakiki-hitchhike, pagkatapos ay biglang nawawala kapag tinigilan mo para pasakayin. Minsan naman ay makikitang umiiyak, o humihingi ng tulong. Ang tipikal na tambayan ng isang white lady sa sa mga madidilim na kalsada sa lungsod at madalas ay nili-link ito sa isang trahedya (maaaring sexual na pag-atake, isang malagim na aksidente, o kamatayan) na nangyari doon sa lugar kung saan sila nagpapakita. Sabi ng iba ay kapag nakita mo daw ang white lady sa rearview mirror ng iyong sasakyan, huwag ka na daw lumingon at ipagpatuloy mo lang ang pagda-drive.
Habang lumalaki ang mga lungsod, mas dumidilim ang mga kalsada sa gabi, at dumadalas ang mga aksidente sa sasakyan lalo na kapag gabi. Ang white lady ay sumasalamin sa takot sa kadiliman o sa daan, at sa mga hindi nalutas na mga trahedya (lalo na sa mga kababaihan). Ang mga kuwentong white lady sa mga kalsada ng lungsod ay ang upgraded version ng mga alamat ng espiritu sa mga kagubatan at kanayunan.
SIRENA at SIYOKOY

Ang sirena (mermaid) at siyokoy (merman) ay nagmula pa sa pre-colonial maritime folklore sa Pilipinas, na nang maglaon ay naimpluwensyahan ng European mermaid/sea-monster stories.
Ang sirena ay magandang babae na may buntot ng isda sa halip na paa. Sila ay kumakanta para makapang-akit ng mga mangingisda. Kapag ang sirena ay narinig ng mga mangingisda, sila ay mahihipnotismo (or maaakit sa ganda ng sirena na technically ay naka-birthday suit kapag nakita nila) at lalangoy para puntahan ang sirena na pinagmumulan ng tinig, na nagiging sanhi ng kanilang pagkalunod. Ang siyokoy naman eh kadalasan na kawangis-tao pero may mga features ng isang isda (palikpik, kaliskis). Sila ay nanghihila ng mga mangingisda mula sa bangkang sinasakyan nila at dadalhin hanggang sa ilalim ng karagatan hanggang malunod. Tambayan ng mga sirena at siyokoy ang dagat, isla at maging mga lawa. Ang mga mangingisda daw dati ay nag-aalay ng pagkain o barya sa karagatan bago pumalaot para hindi sila gambalain ng mga sirena at siyokoy.
Ang Pilipinas bilang isang arkipelago na may mga pamayanan sa baybayin at pangingisda ang isa sa ikinabubuhay — ang pagkalunod, bagyo, nawawalang mangingisda ay mga tunay na panganib na ating kinakaharap. Ang pagpapakilala sa panganib sa dagat bilang mga supernatural na nilalang ay may katuturan para maging maingat kapag papalaot ang mga mangingisda. Hindi ko lang alam kung takot pa din ang nararamdaman natin kapag nababanggit ang sirena, o naiisip na agad natin si Ariel ng The Little Mermaid.
BAKUNAWA

Ang bakunawa, mula sa Visayan mythology, ay isang giant sky o sea serpent na kumakain ng buwan, at naging bahagi na ng mga alamat bago pa man tayo dayuhin ng mga banyaga.
Ang bakunawa ay inilalarawan na napakalaking sea-serpent (o dragon/halimaw) na nagdudulot ng eclipse, nilalamon nila ang buwan, at kung minsan pati daw ang araw. Ang mga ninuno natin ay pinupukpok ang mga kaldero, sumisigaw, at nag-iingay para i-luwa pabalik ng bakunawa ang buwan. Sa ibang version, sinasabi na ang bakunawa ay dating isang magandang sea goddess na nainlab sa buwan.
Bago ang siyentipikong paliwanag kung bakit nagkaka-eclipse, ang biglaang pagdilim ng buwan ay nakakatakot at hindi maipaliwanag. Isang nilalang na tulad ng bakunawa ang nagbigay ng kwento para ipaliwanag ito — at ang pagkilos ng komunidad (pag-iingay) ay naging kolektibong ritwal para tabuyin o alisin ang kanilang takot. Binibigyang-diin din ang kapangyarihan ng kalikasan/kosmos na pinaniniwalaan noon ng mga taga-nayon na pinaninirahan ng mga espiritu.
MANGKUKULAM

Ang paniniwala sa pangkukulam o panggagaway sa Pilipinas ay nauso na noon pa mang pre-colonial times, at sa impluwensya ng mga Espanyol ay lumaganap ang ideya ng mangkukulam. Bago dumating ang mga Espanyol, ang mga mangkukulam ay mga respetadong manggagamot (babaylan).
Ang mangkukulam ay isang tao (madalas na babae) na gumagamit ng mga spells, counter-spells, manika, potion para magdala ng kasawian — sakit, kamalasan, at maging kamatayan. Madalas silang mangkulam dahil sa inggit, o nakatagong galit. Pero minsan sila din ay for hire kapag may mga taong gustong gantihan ang kanilang mga kaaway. Gumagamit daw sila ng mga effigies (na kadalasang gawa sa manika), hibla ng buhok, o kandila para kulamin ang isang tao.
Noon unang panahon na limitado ang gamot at karamihan ay umaasa sa pagtutulungan ng magkakanayon, kapag ang isang tao ay nagkasakit o tinamaan ng malas na walang malinaw na pisikal na dahilan, madalas na iniuugnay ito sa pangkukulam. Nagsilbi rin itong kasangkapan para ipaalala na iwasan ang inggit, magbigay galang at respeto, at huwag magdulot ng pinsala sa iba.
Sa panahon ngayon na mayroon ng Wi-Fi, smartphones at Google Maps, ang mga nilalang na ito ay nananatili pa din sa ating imahinasyon. Ang mga alamat nila ay nagsisilbing alaala na minsan sa buhay ng mga ninuno nating Pinoy, ang mga nilalang na ito ang naging paraan para ipaliwanag ang mga misteryo, takot, at moralidad.
Ang mga pamahiin ay naging kuwento. At ang mga kuwento ay naging bahagi ng pagkakakilanlan nating mga Pinoy.




