10 Pinoy Mythical Creatures at Urban Legends: A Filipino Folklore Halloween Special

12–18 minutes
2,878 words
, ,

Bago tayo matakot kina Pennywise, Freddy Krueger, Jason Voorhees, Babadook, Valak, Sadako, at marami pang ibang horror icons, tandaan natin na may sarili rin tayong cinematic universe ng mga nakakatakot na nilalang dito sa Pilipinas!

Pero hindi lang basta pang-takot ang mga kuwentong ito. Parte rin sila ng ating mga alamat, tradisyon, kultura, at mga kuwentong naipasa mula sa isang henerasyon papunta sa susunod.

Noong unang panahon, kapag may mga bagay na hindi maipaliwanag ang ating mga ninuno, minsan ay iniuugnay nila ang mga ito sa mga supernatural na nilalang. Ginamit din ang mga ganitong kuwento bilang babala, para turuan ang mga tao kung paano kumilos nang maayos at kung bakit mahalagang igalang ang kalikasan.

Naipasa ang mga kuwentong ito sa paglipas ng panahon, at nagkaroon ng iba’t ibang version depende sa lugar at sa mga taong nagkukuwento. Marami sa atin ang lumaki sa mga kuwentong ikinuwento ng ating mga lolo at lola para takutin tayo para hindi tayo makatulog sa gabi dahil sa sobrang takot!

Kaya bago tayo mag-marathon ng horror movies ngayong Halloween, balikan muna natin ang ilan sa mga Pinoy mythical creatures at urban legends na minsang nagbigay ng bangungot sa ating mga tahimik na gabi.

Awooooo! Andiyan na siya…

NOTE: AI generated ang mga images sa post na ito. Na-generate ko ang mga ito noong panahong hindi pa gaano kalupit at consistent ang image generation at mag-aantay ka ng medyo matagal na panahon kapag na-reach mo na ang limit mo sa iyong free account.

Matagal nang bahagi ng kuwentong-bayan sa Pilipinas ang Tikbalang, na tinatawag ding tigbalang o tigbalaang sa ilang lumang sanggunian. Inilalarawan ito bilang isang misteryosong nilalang na naninirahan sa mga bundok, kagubatan, at iba pang liblib na lugar.

Karaniwang inilalarawan ang tikbalang bilang isang matangkad na nilalang na kahawig ng tao, pero may mahahabang braso at binti, paa na nakatalikod ang direksiyon, at mga matang tila kumikinang. Madalas itong iugnay sa mga kagubatan at lugar malapit sa mga ilog.

Sa mga naunang version, hindi agad kabayo ang ulo ng tikbalang. Ang itsura nitong may ulo ng kabayo ay naging mas kilala sa mga sumunod na version ng alamat. Kumbaga eh, version 2.0 na. Ayon sa ilang kuwento, nagsimula lamang ang ganitong paglalarawan nang dumating ang mga Espanyol, at may dala silang mga kabayo. Noon pa lang daw nakakita ng kabayo ang ating mga kanunu-nunuan.

Ang tikbalang daw ay ang original prankster ng kagubatan! Mahilig daw itong manggulo at magligaw ng mga manlalakbay na dumaraan sa teritoryo nito. Sa ilang kuwento, kailangan mo raw magpaalam o magsabi na makikiraan ka lang para hindi ka nito gambalain.

Mayroon ding paniniwalang kapag naligaw ka dahil sa tikbalang, puwede mong baliktarin ang suot mong damit para malito ito at hindi ka na nito makilala.

Ayon naman sa ilang alamat, puwedeng mapaamo ang tikbalang kapag nakuha mo ang isa sa mga gintong buhok nito at ginawa mo itong anting-anting.

Noong unang panahon, maaaring naging paliwanag ang tikbalang sa mga pagkakataong naliligaw ang mga tao, nakaririnig sila ng kakaibang tunog, o nakakakita ng mga aninong hindi nila maipaliwanag. Nagsisilbi rin itong paalala na huwag basta-bastang gumala sa mga liblib na lugar at matutong rumespeto sa kalikasan at sa mga paniniwala ng komunidad.

Fun Fact: Kapag umaaraw habang umuulan, pinaniniwalaan na may ikinakasal daw na tikbalang!

Ang Kapre ay isang higante o supernatural na nilalang na kilala sa mga kuwentong-bayan sa Pilipinas. Madalas itong inilalarawang naninirahan sa malalaking puno, lalo na sa mga probinsiya at kagubatan.

Karaniwang inilalarawan ang kapre bilang isang napakatangkad, mabalahibo, at maitim na higante na maaaring umabot sa pito hanggang siyam na talampakan o higit pa. Madalas din itong ikuwentong nakaupo sa malalaking sanga ng puno habang humihithit ng malaking tabako.

Sa ilang kuwento, may kakaiba itong amoy at kakayahang maglaho o magpakita nang biglaan.

Tulad ng tikbalang, sinisisi rin minsan ang kapre kapag may mga manlalakbay na naliligaw, lalo na kung may malaking punong pinutol o ginulo. May mga kuwentong nagsasabing nagmamay-ari ito ng mahiwagang bato na kayang magbigay ng mga kahilingan.

May mga version ding nagsasabing mabait ang kapre kapag iginalang mo ito, pero maaari itong maghiganti kapag ginulo o inaway mo. At oo, sa ilang kuwento, puwede rin daw itong umibig sa isang tao!

Kaya kung ang kuwarto ng isang dalaga ay nakaharap sa isang napakalaking puno at pakiramdam niya ay may nakatingin sa kaniya, baka naman kapre ang dahilan!

Pero kung iisipin, madaling maintindihan kung bakit nagkaroon ng ganitong mga kuwento. Ang malalaking puno sa mga probinsiya ay maaaring magmukhang mahiwaga sa paningin ng mga tao, lalo na kapag gumagalaw ang mga dahon, nagbabago ang mga anino, at may naririnig na kakaibang tunog sa gabi.

Bukod sa pagiging nakakatakot na alamat, nagsisilbi ring paalala ang kapre na igalang ang kalikasan at mag-ingat sa paggala sa gabi, lalo na sa mga liblib na lugar.

Ang pangalang Manananggal ay iniuugnay sa salitang Tagalog na tanggal, na nangangahulugang alisin o ihiwalay. Angkop ito sa itsura ng nilalang na, ayon sa alamat, kayang ihiwalay ang itaas na bahagi ng katawan nito mula sa baywang.

Laganap ang mga kuwento tungkol sa manananggal sa Visayas, kabilang ang Capiz, Iloilo, at Antique, bagama’t may iba’t ibang version din nito sa ibang bahagi ng Pilipinas.

Sa alamat, isa itong ordinaryong babae sa araw na nagiging nakakatakot na nilalang pagsapit ng gabi. Hinihiwalay nito ang itaas na bahagi ng katawan, tinutubuan ng mga pakpak na parang sa paniki, at lumilipad sa paghahanap ng biktima.

Kadalasang buntis, bagong panganak na ina, o mga taong natutulog ang sinasabing puntirya nito. Mahaba rin daw ang dila nito at mala-sungót (proboscis-like), na ginagamit para sumipsip ng dugo o atakihin ang mga sanggol sa sinapupunan.

Habang lumilipad ang itaas na bahagi ng katawan, naiwan naman sa lupa ang ibabang bahagi nito. Ayon sa ilang paniniwala, kapag nilagyan ng asin, bawang, abo, o suka ang ibabang bahagi, hindi na makababalik ang manananggal sa katawan nito at tuluyang nang mamamatay kapag nasikatan na siya ng araw.

Noong unang panahon, ang mga komplikasyon sa pagbubuntis, pagkamatay ng mga sanggol, at iba pang pangyayaring hindi maipaliwanag ay maaaring naiugnay sa alamat ng manananggal. Sa panahong limitado ang kaalaman at serbisyong medikal, nagsilbi itong supernatural na paliwanag sa mga trahedyang may kinalaman sa panganganak at kalusugan ng mga sanggol.

Naging babala rin ang mga kuwentong ito para mag-ingat ang mga tao sa gabi, lalo na ang mga buntis at bagong panganak na ina. Ang paggamit ng bawang, asin, at iba pang pananggalang ay bahagi ng mga tradisyunal na paniniwala at folk practices.

Ang Tiyanak ay isang nilalang sa kuwentong-bayan na kadalasang inilalarawan bilang espiritu ng isang batang namatay bago mabinyagan o bago mabigyan ng pangalan. Sa ilang version, nagiging tiyanak daw ang isang bata kapag namatay ang kaniyang ina habang nanganganak.

Karaniwang nagpapanggap ang tiyanak bilang isang cute na sanggol na umiiyak sa kagubatan o sa gitna ng mga bukirin. Kapag nilapitan ito ng isang tao para buhatin o tulungan, bigla raw itong nagbabago ng anyo at nagiging nakakatakot na nilalang na may matatalas na ngipin at kuko.

Sa ibang version naman, inilalarawan ito bilang maliit na kayumangging nilalang na hindi magkasinghaba ang mga binti.

May mga kuwentong nagsasabing gumagala ang espiritu ng batang namatay nang walang pangalan o hindi nabinyagan dahil naghahanap ito ng taong magbibigay rito ng pangalan. Sa ibang kuwento, naghahanap naman ito ng mapaghihigantihan.

Ayon sa ilang paniniwala, isang paraan para makatakas sa tiyanak ay ihagis ito sa likuran mo at tumakbo palayo nang hindi lumilingon.

Ang mataas na bilang ng pagkamatay ng mga sanggol noong unang panahon at ang mga pangyayaring hindi maipaliwanag ay maaaring nakatulong sa pagbuo at pagpasa ng ganitong mga alamat.

Naging babala rin ang tiyanak na huwag basta-bastang gumala nang mag-isa, lalo na sa mga liblib na lugar. Sa kuwento, ang isang simpleng pag-iyak na maririnig sa dilim ay maaaring hindi pala galing sa isang inosenteng sanggol.

Ang Aswang ay hindi lang isang partikular na uri ng halimaw. Isa itong malawak na katawagan para sa iba’t ibang supernatural na nilalang sa kuwentong-bayan ng Pilipinas, kabilang ang mga nilalang na kayang magpalit ng anyo.

May mga nakasulat nang tala tungkol sa mga paniniwala sa aswang noong panahon ng kolonyalismong Espanyol, kabilang ang mga tala mula pa noong ika-16 na siglo.

Nag-iiba ang paglalarawan sa aswang depende sa rehiyon. Sa isang karaniwang version, isa itong babaeng namumuhay na parang ordinaryong tao sa araw pero nagiging halimaw sa gabi. Maaari raw itong mag-anyong aso, baboy, ibon, o paniki, depende sa kuwento.

Sa iba’t ibang version ng alamat, ang aswang ay nangangaso ng mga tao, kumakain ng mga bangkay, o nananakit ng mga sanggol at buntis. Dahil maaari raw itong magmukhang ordinaryong kapitbahay, lalo itong kinatatakutan.

May mga paniniwalang gumagamit ng bawang, asin, suka, at mga relihiyosong bagay sa mga pintuan, bintana, at iba pang pasukan ng bahay bilang panangga laban dito.

May isa pang mas seryosong bahagi ang mga kuwentong ito. Sa ilang komunidad, ang isang taong hindi gusto ng mga kapitbahay ay maaari ring pagbintangang aswang. Ipinapakita nito kung paanong ang takot at mga paniniwala ay maaaring magamit para maghinala o magparatang sa ibang tao.

Noong limitado ang access sa gamot at kaalamang medikal, ang biglaang pagkakasakit, pagkamatay, pagkawala ng tao, o iba pang hindi maipaliwanag na pangyayari ay minsang iniuugnay sa aswang.

Sa ganitong paraan, nagbigay ng paliwanag ang alamat sa mga pangyayaring mahirap unawain noon. Pero ipinapaalala rin nito na ang takot at pamahiin ay maaaring magdulot ng maling paratang laban sa mga inosenteng tao.

Fun Fact: Nagkaroon noon ng Aswang Festival sa Roxas City, Capiz, na kilala sa mga kuwentong tungkol sa aswang. Pero ito ay ipinatigil ng simbahang Katoliko.

Sa mga tradisyunal na paniniwala ng ilang komunidad sa Pilipinas, may mga espiritung pinaniniwalaang naninirahan sa lupa at kalikasan. Isa na rito ang Nuno sa Punso.

Ang salitang nuno ay karaniwang tumutukoy sa isang matandang tao o ninuno, samantalang ang punso ay isang maliit na bunton ng lupa na maaaring tirahan ng mga langgam o anay.

Karaniwang inilalarawan ang nuno sa punso bilang isang maliit at matandang nilalang na naninirahan sa loob ng punso. Kapag natapakan, nasipa, o nasira ang kaniyang tirahan, maaari raw siyang magalit at magbigay ng sumpa.

Ayon sa mga paniniwala, maaaring mamaga ang paa ng taong nakaistorbo sa nuno, lagnatin, magkasakit, o makaranas ng mas malalang kapahamakan.

Kaya kapag may nadaanang punso, nakaugalian ng ilan na magsabi ng, “Tabi-tabi po,” bilang paggalang at paghingi ng pahintulot na makiraan.

Noong unang panahon, ang biglaang pamamaga o lagnat ay minsang iniuugnay sa galit ng nuno. May mga pagkakataong tinatawag ang isang albularyo o folk healer upang magsagawa ng ritual o mag-alay bilang paghingi ng tawad.

Sa isang banda, ang paniniwala sa nuno sa punso ay nagsisilbi ring paalala na igalang ang lupa at kalikasan. Ang pag-iwas sa pagsira o pagtapak sa isang punso ay makatutulong din para hindi maistorbo ang mga insektong nakatira rito.

Fun Fact: Noong bata ako, aksidente kong natapakan ang isang punso habang naglalaro sa labas. Namaga ang paa ko… pero dahil sa mga kagat ng pulang langgam na nakatira roon! Pero sabi ng lola ko, baka raw nagalit ang nuno sa akin, kaya pinabalik niya ako sa punso para humingi ng tawad.

Hindi tulad ng ibang nilalang sa listahang ito, ang White Lady ay mas kilala bilang isang modernong urban legend kaysa isang sinaunang alamat.

Maraming version ng White Lady sa Pilipinas, pero isa sa pinakakilalang kuwento ang iniuugnay sa Balete Drive sa Quezon City. Naging popular ang mga kuwentong ito noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, kabilang ang mga salaysay na iniuugnay sa mga taxi driver.

Karaniwan siyang inilalarawan bilang isang maputlang babaeng nakasuot ng puting damit na nagpapakita sa kalsada, sa salamin, o sa loob ng sasakyan, at madalas sa hatinggabi.

Sa ilang kuwento, sumasakay siya sa isang kotse o taxi at bigla na lang nawawala kapag huminto ang sasakyan. Sa ibang version, umiiyak siya o humihingi ng tulong.

Madalas ding iniuugnay ang White Lady sa mga trahedya, aksidente, karahasan, o pagkamatay na diumano’y nangyari sa lugar kung saan siya nagpapakita.

May popular ding babala na kapag nakita mo siya sa rearview mirror, huwag kang lilingon at ituloy mo na lang ang pagmamaneho.

Habang lumalaki ang mga lungsod at dumarami ang mga sasakyan, naging bahagi ng urban legends ang takot sa madidilim na kalsada at mga kuwentong may kinalaman sa mga aksidente at trahedya.

Sa ganitong paraan, maituturing ang White Lady bilang isang halimbawa kung paano nagbabago ang mga kuwentong kababalaghan kasabay ng pagbabago ng lipunan. Mula sa mga espiritung iniuugnay sa kagubatan at kabukiran, nagkaroon din tayo ng mga kuwentong multong nagpapakita sa mga kalsada at lungsod.

Bilang isang kapuluan, malaking bahagi ng buhay ng mga Pilipino ang dagat. Kaya hindi nakapagtatakang marami rin tayong kuwentong-bayan tungkol sa mga misteryosong nilalang na naninirahan sa tubig.

Kabilang dito ang Sirena at Siyokoy, na lumilitaw sa iba’t ibang version ng kuwentong-bayan at mga kuwentong may impluwensiya mula sa ibang kultura.

Ang sirena ay karaniwang inilalarawan bilang magandang nilalang na may katawan ng babae at buntot ng isda. Sa ilang alamat, umaawit siya upang akitin ang mga mangingisda. Dahil sa kaniyang awit, maaari raw silang maakit na lumapit sa kaniya o lumangoy papunta sa dagat hanggang sa malunod.

Ang siyokoy naman ay madalas inilalarawan bilang nilalang na may mga katangiang pantao at pang-isda, gaya ng palikpik at kaliskis. Sa ilang kuwento, hinihila nito ang mga mangingisda mula sa kanilang bangka papunta sa tubig.

Dahil mahalaga ang pangingisda sa maraming komunidad sa Pilipinas, naging malaking panganib noon ang mga bagyo, pagkalunod, at pagkawala ng mga mangingisda. Maaaring nakatulong ang mga kuwentong tungkol sa sirena at siyokoy para bigyang-kahulugan ang mga panganib na ito at paalalahanan ang mga tao na mag-ingat sa dagat.

May mga tradisyon ding nagsasalaysay ng pag-aalay ng pagkain o barya bago pumalaot, bilang paghingi ng proteksiyon laban sa mga nilalang sa tubig.

Pero sa panahon ngayon, hindi ko na rin alam kung takot pa ba tayo sa mga sirena o mas naiisip na lang natin si Ariel mula sa The Little Mermaid!

Sa mitolohiyang Bisaya, ang Bakunawa ay isang napakalaking nilalang na karaniwang inilalarawan bilang ahas o dragon na naninirahan sa kalangitan o dagat. Kilala ito sa alamat tungkol sa paglunok nito sa buwan.

Ayon sa ilang version ng kuwento, nilulunok ng bakunawa ang buwan, na nagiging dahilan ng isang lunar eclipse. Sa ibang version naman, maaari rin nitong lamunin ang araw.

Noong unang panahon, bago naging malawak ang siyentipikong paliwanag tungkol sa mga eclipse, maaaring nakapagtataka at nakakatakot para sa mga tao ang biglang pagdidilim ng buwan.

Sa alamat, sinasabing nag-iingay ang mga tao sa pamamagitan ng pagpalo sa mga kaldero, pagsigaw, at iba pang paraan para piliting iluwa ng bakunawa ang buwan.

Sa ilang version naman, hindi lamang halimaw ang bakunawa. Inilalarawan din ito bilang isang magandang diyosa ng dagat na umibig sa buwan.

Ipinapakita ng alamat kung paano nagkaroon ng mga kuwentong nagbibigay-kahulugan sa mga pangyayaring hindi pa lubusang nauunawaan ng mga tao. Naging bahagi rin ng kuwento ang sama-samang pagkilos ng komunidad upang harapin ang takot sa isang kakaibang pangyayari sa kalangitan.

Ang Mangkukulam ay iniuugnay sa paniniwala sa kulam o pangkukulam, na may iba’t ibang anyo at kahulugan sa mga tradisyon at kuwentong-bayan sa Pilipinas.

Mahalagang tandaan na hindi lahat ng tradisyunal na manggagamot ay mangkukulam. Ang babaylan, halimbawa, ay may mahalagang papel sa maraming pamayanang Pilipino bago at noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Maaari silang magsilbi bilang mga espirituwal na pinuno, tagapamagitan sa mga ritwal, at manggagamot. Hindi sila dapat awtomatikong ituring na masasamang mangkukulam.

Sa mga kuwentong tungkol sa kulam, ang mangkukulam ay madalas inilalarawang gumagamit ng mga orasyon, ritwal, anting-anting, manika, at iba pang bagay upang magdulot ng sakit, kamalasan, o kapahamakan sa isang tao.

Sa ilang kuwento, ginagawa raw ito dahil sa inggit, galit, o paghihiganti. May mga salaysay ding nagsasabing maaaring gumamit ng mga bagay na pag-aari ng isang tao, gaya ng buhok, o ng mga manikang nagsisilbing effigy.

Noong hindi pa gaanong nauunawaan ang maraming sakit at pangyayaring medikal, minsan ay isinisisi ang pagkakasakit o sunod-sunod na kamalasan sa kulam.

Nagsisilbi ring babala ang mga kuwentong ito laban sa inggit, pananakit sa kapwa, at paghihiganti. Gayunman, mahalagang tandaan na ang mga paratang ng pangkukulam ay maaari ring makasakit sa mga inosenteng tao.

Kahit may Wi-Fi na tayo, smartphones, at Google Maps, nananatili pa rin sa ating imahinasyon ang mga nilalang na ito.

Ang mga alamat tungkol sa tikbalang, kapre, manananggal, tiyanak, aswang, nuno sa punso, White Lady, sirena, siyokoy, bakunawa, at mangkukulam ay bahagi ng mayamang tradisyon ng pagkukuwento sa Pilipinas.

Ipinapakita ng mga kuwentong ito kung paano sinubukan ng ating mga ninuno at ng mga sumunod na henerasyon na unawain ang mga misteryo ng mundo, harapin ang kanilang mga takot, at ipasa ang mga aral sa susunod na henerasyon.

May mga kuwentong nagsisilbing babala. May mga kuwentong nagpapaliwanag sa mga pangyayaring mahirap unawain. At mayroon ding mga kuwentong patuloy nating ikinukuwento dahil bahagi na sila ng ating kultura at pagkabata.

Sa paglipas ng panahon, ang mga pamahiin ay naging mga alamat, at ang mga alamat ay naging bahagi ng kuwentong Pilipino.

Dahil minsan, ang mga kuwentong pinakanakakatakot ay siya ring mga kuwentong nagpapaalala kung saan tayo nanggaling.

Share the Love, or at least the Link

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *