
are you having fun?
Hindi ko alam kung kailan nag-umpisa, pero noong COVID-19 pandemic, napansin ko na napapadalas ang pagpapatugtog at pagvi-videoke ng aming over-da-bakod na kapitbahay. Siguro dahil nag-work from home na kami simula noong pandemic kaya mas madalas ko na silang marinig na bumirit.
Noong una, parang Sabado at Linggo lang ang concert nila. Pero kalaunan, wala nang pinipiling araw at oras. ‘Yung tipong nasa call o meeting ka, tapos ang background music mo ay isang lasing na kumakanta nang wala sa tiyempo.
‘Yung side ng bahay namin ay nakaharap sa pader na nagsisilbing boundary ng subdivision namin. May kalsada sa pagitan ng bahay namin at ng pader. Sa kabilang bahagi naman nito ay isang government relocation site. At isa sa mga bahay doon, na katapat mismo ng bahay namin, ang source ng kantahan.
Actually, apat na bahay na ang napansin naming nagvi-videoke sa kabilang bakod, pero mas nangingibabaw ang bahay na ito dahil mas malapit nga sa amin.
Okay lang naman magpatugtog at mag-videoke. Madalas, tapos na rin naman sila pagdating ng 10:00 PM. Oh, eh ano ang problema?
SOBRANG LAKAS nilang magpatugtog at mag-videoke!!!
Gaano kalakas? Isara mo ang bahay mo, pumasok ka sa restroom at isara mo rin ang pinto. Buksan mo nang todo ang gripo, mag-headphones ka at magpatugtog nang todo. Pero rinig mo pa rin ang Just Once ni James Ingram. Ganoon kalakas.
Gaano kalakas? Alam mo ba na kapag naglakad ako nang mga walong bahay palayo sa bahay namin, kumanan, at lumagpas sa isang buong basketball court, may sari-sari store sa kabilang kanto. Noong minsang bumili ako roon, rinig ko pa rin ang pagpapatugtog at pagvi-videoke nila. Ganoon kalakas.
May mga kapitbahay kami sa subdivision na sinubukan na ring itawag sila sa barangay, pero wala namang aksiyon. May iba na tinanggap na lang ang kanilang tadhana. Tulad namin. Hahaha.
Bakit, ‘ka mo?
Well, mahabang istorya. Noong panahong madalas napuputulan ng tubig ang subdivision namin, ang mismong kapitbahay na ito ang pumayag na magpaigib sa amin ng tubig. Naging kaibigan na rin namin ni misis.
Kaya kahit gaano pa sila kalakas mag-videoke at magpatugtog, umaasa na lang kami na someday, mare-realize nila na may volume control ang sound system nila at puwede naman nila itong hinaan.
Noong una, hindi rin kami sure kung sila nga ba talaga ang source ng dumadagundong na ingay. Pero minsan, napuntahan na namin ni misis ang bahay nila. Sa ground floor sila nakatira, at sa labas ng bahay nila ay may hagdan papunta sa upper floor kung saan naka-set up ang sound system nila. Ang mga speaker, siyempre, ay nakaharap sa bahay namin. Hahaha. So feeling ko, mas malakas pa naming naririnig ang tugtog kaysa sa kanila.
Pero dahil nakasanayan na namin, dedma na lang talaga.
Hanggang noong June 12, 2026. Holiday at walang pasok, napansin ko na mas malakas pa kaysa sa nakasanayan ang pagpapatugtog at pagkanta nila. Ganoon siguro sila mag-celebrate ng Araw ng Kalayaan.
At naisip ko lang, just for fun, na subukang i-document ang mga susunod pa nilang sessions. Hopefully, makakuha rin kayo ng idea kung anong mga kanta ang puwede ninyong kantahin kapag nag-videoke kayo.
Huwag lang kalimutan na everything should be in moderation. Iwasan ang sobrang lakas na pagkanta at pagpapatugtog. Hindi lahat ng kapitbahay mo ay kapareho mo ng taste in music. At hindi naman requirement na marinig ng buong subdivision ang iyong hidden talent sa pagkanta.
At higit sa lahat, huwag kalimutang iwasan ang pagkanta ng My Way ni Frank Sinatra.
Disclaimer: Ang mga sumusunod ay personal na tala ng mga pagkakataong napansin ko ang malakas na pagpapatugtog at pagvi-videoke sa aming lugar. Dates, times, songs, at observations lang – para sa record at katuwaan, hindi para mang-away.✌️
Note: Lately, nabawasan na ng isang level ang lakas ng volume nila, pero rinig pa rin ang tugtugan, lalo na sa bandang kusina ng bahay namin na direktang katapat ng bintana nila. Kaya kung naka-headphones ako, posibleng hindi ko na matukoy kung anong kanta mismo ang tumutugtog. Dahil dito, may mga entries na oras lang ang naitala ko.